INGATAN MO

Para sa babaeng minahal ko, ngunit di ako minahal.

“Respeto, para sa naitagong kwento.
Sa mga istoryang kayo ang pamagat.
Halaw sa pangakong sana’y kasamang lilipad,
Ngunit umiba ang ihip ng hangin at ang salipawpaw ay sa iba napadpad.”


Saan ba patungo? Saan pupunta? Ang mga bulong mong ako ang pagsinta? Simula ng makilala ka nalaman ko ang daan, patungo sa buhay na kung saan ay walang kawalan.
Ang puso mo ang naging daan upang ang puso ko ay mapalagay. Ang puso mo ang nagbigay buhay upang ang puso ko ay magkaroon ng saysay.

Sa kadahilanan ng keso gento at keso ganyan. Mga lihim na nabunyag, lihim na patunay na naglolokohan lang tayo sa kalokohan na ito.

Bakit mo ginawa ang mga bagay na mapapaamo ako?
Trip mo lang?
Gusto mo ako?
Pero di mo mahal?
Liligawan mo, pero biro lang?

Akala ko, meron akong pag-aari sa katauhan mo, pero may ibang nagmamay-ari sa puso mo.

Sinayang na ngiti,
Sinayang na tingin,
Ang pusong nilaan ay nabasag sa isang iglap.
Ang lawak ng tanawin sa sarili niya’y di ko akalain.
Ang laman ng damdamin ay napuno ng pait, sakit sa puso na di mawaglit.
Nagaalimpuyong unos, na dumarag sa puso ng lubos.
Ang babaeng naglaan ng oras, panahon, at pagkakataon sa sarili ay nawalan ng pakinabang.
Ang pusong nilaan para sa minamahal ay naglaho, naglaho kasabay sa pag-ihip ng hangin.

Ika nga nila “Lahat naman ay may paraan kung pag-iispan at gugustuhin, yun nga lang mas madaling gumawa ng dahilan kesa sa gumawa ng paraan.”

Mensahe sa mga susunod at parating na tinadhana, kung ikaw man ang huli, at magtuturo sa kanya kung pano magmahal muli.

Ingatan mo ang kanyang mga mata, huwag mong hayaan na may tumulong luha dahil sa sakit, bagkus paagusin mo sa kanyang mga mata ang luhang galing sa saya.
Ingatan mo ang kanyang mga ngiti, na kung ilabas man ay totoo at di dahil sa biro.
Ingatan mo ang babasagin niyang puso, pasayahin mo siya at ipakita na ikaw ang pinakamasayang lalaki na makikilala niya.
Ingatan mo siya, na sa paglabas ng masiyahin niyang pagkatao ay makikita mo ang kanyang sigla.
Ipangako mo, itaga sa bato, huwag ibulong sa hangin, ibigay mo ang mga pangakong maririnig ng mga alapaap.
Gawin mo at huwag subukan lamang, sa bawat patak ng himig mo’y naising umabot sa kaibuturan ng kanyang puso.

Di biro ang tunay na pagmamahal, dahil nakasalalay ang buhay na panghabangbuhay.

Sa oras na handa na ang kanyang puso na magmahal muli , matatanggap mo ang pabuya ng diwatang sa loob niya’y namamalagi.

At sa muling paglipad ng sasakyang panghimpapawid, sabay niyong lalakbayin ang pagsubok ng pag-ibig, ang lungkot at saya na ipagkakaloob ng tinakdang tadhana.

(c)photo

Leave a comment